Ronald: ‘Pat seat sale ngayon sa Cebu Pacific, ano sali na tayo sa TNF’
Pat: ‘Magkano?’
Ronald: ‘nasa 4k lang’
Pat:’sige book ka na’ (sabay tulog ulit)
Makalipas ang ilang buwan….
Ika-24 ng Oktubre taong 2009 sa oras na ika-4 ng umaga bumangon ako ng maaga para maghanda na sa unang karera ko sa ibayong dagat anf TNF 100 Singapore Duo. Inayos ang lahat ng gamit ginawa na ang dapat na gawin. Habang naghihintay kila Ronald at Iris ay npaisip ako kung matatapos ko ng Sub 6hrs ang 50kms na trail run, papaano ko aatakihin ang ruta na hindi ko alam kung ano ang meron, anong stratehiya ang gagawin ko at iba pang bagay na bumabagabag sa akin para tapusin ang karera.
Pasado ala y singko ng umaga na tumulak kami papuntang Mc Ritchie Park kung saan gaganapin ang karera. Pinara namin ang isang taxi and sinabi namin Lornie Road, ang kalye na pinaka malapit sa park.
Uncle (manong or kuya sa atin): where is it?
Iris: Mc Ritchie Park. Where are going to Mc Rithcie Park. Lornie Rd.
Uncle: Nornie Node? aah.. Just tell me how to get there.
Iris: Ok!
Gamit ang mapa na dala ni Iris ay itinuro namin kung san kami papunta. Makalipas ang 20-30mins ay narating na namin ang park at doon ay hindi pa namin kung san kami pupunta. Isang club house ang pinuntahan namin at doon na namin nakita si Doc Eric ang malupit kong pacer ng Botak 100 at magiging pacer ko ulit sa TNF 100 SG. Nilagay na namin sa locker(1 SGD) ng club house ang aming mga dalang gamit. Isang grupo ng mga pinoy ang nakita namin dun at pamilyar ang mukha nya sa akin, hindi ko muna siya nilapitan dahil baka kamukha lang niya hangang sa lumapit na siya at di ba ikaw si Patrick MESAU?, (sabi ko na nga ba si Caloy ng Fuji Outdoor Club) Caloy tama? . Si Caloy ay isang kaibigan noong ako ay aktibong mamumundok pa.
Matapos ang photo ops ay pumunta na kami sa Simulang Guhit para masiyasat na ang aming mga gamit.
Matapos ang timbangan at kung ano pa man ay nagpunta na kami sa simulang guhit para makihalubilo sa iba pang kalahok sa karera. Habang naghihintay ng simula ay nagusap na kami kung pano ang gagawin support at kung saan kami aabangan ng aming Ultra Pacer.
Minarapat namin magsimula sa pinakahuli na pinagsisihan namin habang nagtutuloy ang karera. Ika-7 nag umaga ng magsimula ang karera, isang sementadong kalsada patungo sa trail ng McRitchie. Isang mabagal at mahabang pila ng mga mananakbo ang bumungad sa amin ng marating namin ang simula ng trail. Isang makipot na daan ang aming tinahak sa umpisa ng trail run. Ang plano ko na 1km run(race pace)-1km run(LSD pace) ay nasira dahil sa sobrang daming mananakbo sa unahan, isa pang sumiira sa plano ko ay ang mga ahon, kasama sa plano namin ang paglalakad o pagbagal pag may ahon. Tila bang nangaasar ang ruta, sa tuwing handa na kami para tumakbo galing sa isang mabagal na lakad/takbo ay isang ahon na naman ang makikita namin sa unahan namin. May mga ilang beses kami ni Ronald na nagpapalitpalit ng mabilis na pace para mahataka namin ang isa’t isa. Pagkalabas ko sa Mc Ritchie Park isang sementadong kalsada(Riffle Range Road) ang bumungad sa akin, isa lang ang tumatak sa isip ko at ito ay bumawi ng nawalang oras nung nasa loob kami ng park. Ilang kalahok ang nalamapasan ko sa parte na iyon. Doon ko lang nalaman kung baket Riffle Range ang tawag sa kalsada ang iyon, literal na Riffle Range ka kasi sa tabi nito ay isang target range ng militar ng Singapore. Sa mga oras na iyon ay hindi ko na nakita si Ronald. Isang Indiano ang ginawa kong target simula noon, hindi kami naglayo ng ditansiya at sa tuwing lumalaki ang distansiya namin ay pilit kong hinahabol siya, hangang sa makarating kami sa Bukit Timah Nature Reserve na 11.5kms mark na U-turn ng mga 50kms duo at dito rin ang unang check point para sa mga 100kms duo.
Bukit, isang katangga na hangang sa makauwi kami ay hindi namin alam kung ano ang ibig sabihin. Napaisip kami ni Ronald baket may mga lugar na Bukit Timah, Bukit Panjang, Bukit Batok, Bukit Bontak at marami pang Bukit. Bukit = Barangay? Bukit = Siyudad? Bukit=Lalawigan? Bukit=Bukid? ano ba talaga koyah.
Isang ahon ang bumulaga sa akin sa Bukit Timah ngunit bago pa ako magsimula sa ahon ay isang tinig ang narinig ko “Ayon oh may flag ng Pilipinas”, pag lingon ko ay mag isang grupo ng mga Pinay na inisip ko na sila ang support crew ng mga Pinoy(SG based). Isang mahabang lente ng kamera ang nakatutok sa akin habang ako ay nakangiti(syempre papahuli ba tau) at ng lumampas ako ay sumigaw sila ng “Go Pinoy”(kakataba ng puso), pabaon sa akin para sa isang matarik na ahon . Ayon sa aking garmin simula km11.44 na may elevation na 12mtrs ang ahon niya ay hangang km12.60kms at may elevation na 158mtrs at sa layo ng 1.16kms ay umakyat kami ng 146mtrs oh may pagtaas ng 1.3mtr kada 1omtr bagamat siya ay sementadong daan ito ay naging parusa. Sa sobrang tarik kailangan kong magpazigzag zigzag para mabawasan ang hirap. Marami ang tao sa lugar na iyon sapagkat magandang training ground siya dahil sa ahon na iyon at kahit matatanda ay inaakyat ang matarik na burol na iyon, sa maniwala kayo at hindi ang ibang nakakasalubong namin na bumababa ay bumababa ng patalikod dahil sa tarik (isipin niyo kun gaano siya katarik). Habang inaakyat ko ang burol na iyon ay iniisip ko na pano ako nito mamyang pabalik? Pagod at malamang wasak na ang tuhod dahil sa 12kms pa lang ang tinatakbo namin. Magpagulong-gulong na lang ba ako hangang sa marating ang paanan ng burol?
Ang usapan namin nila Iris at Ronald ay sa Chesnut Drive na kami muling magkita para sa unang rest at dahil sa malapit lang rin sa tinitirahan nila Iris. 15 minuto bago mag ika-9 ng umaga ay narating ko na ang Chestnut Drive, ngunit hindi ko makita si Iris at minarapat ko na tumuloy na lang at hindi na antayin si Iris. Habang tumatakbo ako ay isang Taiwanese ang lumapit sa akin at nakipagkwentuhan, hindi ko maintindihan yun english niya kaya ako ay tango lang ng tango at yes lang ng yes may ilang minuto rin kaming nagkasama sa trail. Isang trail ng mountain bike ang dinaanan namin, maganda at hindi ka maliligaw sa trail na iyong tinatahak dahil lahat ay may trail sign. May pangilan ngilan na nagbabike ako nakasalubong.
3 oras matapos ang hudyat ng simula ay narating ko ang Mandai Rd. papasok kami sa isang trail na paikot at may layo 10kms . May aid station bago kami pumasok ng trail, sa aid station na yun ay napakaraming saging, tubig,100plus, at kahong-kahon na Hammer Gel inisip ko na kumuha ng marami para magamit sa ibang karera(hehehe) pero naisip ko na rin pagbalik na lang dahil wala ng mapaglagyan sa hydration bag ko at dadaan rin naman kami doon. Mabato at malawak ang dinaanan namin at walang punong pwedeng magkubli sa amin. Mainit na ng mga oras na iyon at nagsimula na akong bumagal. Isang babae kasama ang kanyang irog ang namimilipit sa sakit ang nilampasan ko, pinupulikat ang babae sa tingin ko ay hindi na kayang tumakbo pa ulit, habang pinagmamasdan ako ang mag-irog ay napuna ako na ang gamit na sapatos ng babae ay Lunar Racer. Nagulat ako na isang babae ay tumatakbo ng TNF 100 Singapore DUO gamit ang isang racing flat na sapatos, hindi ko maisip na may tatakbo ng karerang iyon gamit ang ganung sapatos.
KM 27, ang sabi ng garmin ko matapos ang isang bahagyan ahon at sa tuktok na iyon ay isang check point. Sobrang init, at kinailangan ko ng tubig para basain ang katawan ko para lumamig ang pakiramdam ko. Tatlong kilometro pa bago marating ang susunod na aid station sa Mandai Rd na kung saan ay doon rin kami pumasok. Dito ko naramdaman ang sobrang pagod at minarapat ko ng magpahinga. Naramdaman ko na rin na Wall na ako sa mga oras na iyon. Habang nakasalampak sa ay may ilang mga mananakbo na pinipilit na ako tumayo para tumakbo muli at matpos ang ilang minuto ay nakabawi ako at bumalik na sa pagtakbo.
KM 3o, sa wakas aid station dali-dali ako dumampot ng isang boteng tubig at pinaligo ko sa katawan ko. Isang volunteer ang tumulong sa akin, kuniha niya at bote at ibunuhos ang tubig sabay ‘Kuya ang galing niyo, tapusin niyo yan’ pilipina pala siya. Nagtanong siya kung san kami nakatira sa akalang sa Singpore kami nakabase, matapos ko sagutin na galing kami ng Pilipinas at pumunta lang kami ng Singapore ay nagulat siya ‘Pumunta kayo dito para lang magrace? Grabe kayo’. Matapos maligo at bahagyang lumamig ang katawan ay binaling ko ang sarili ko sa lamesa kung nasaan ang mga pagkain kumuha ako ng 2 saging at hinanap ang kahong-kahon Hammer Gel na sa mga oras na iyon ay ubos na sayang dapat kumuha na ako para hindi na naubusan. Kumuha ako ng isang boteng tubig para ibaon dahil 5km pa ang susunod na aid station, kailangan ko ng tubig para ipang buhos sa katawan ko dahil sa sobrang init.
Dalawangpung kilometro na lang ang kailangan ko takbuhin para matapos ang karera. Babalik kami sa trail/ruta na dinaanan namin nung una para sa katapusang guhit. Sa hindi kalayuan sa aid station ng Mandai Rd isang mountain bike ang nakita kong may watawat ng Pilipinas, ‘Sir ano po kailangan niyo may gatorade at mga pagkain kami diyan’. Huminto ako at tinanggap ang tulong nila, sobran laki na pasasalamat ko na ako ay isan Pinoy na kahit saan ako pumunta ay may tutulong sa akin. Kaibigan sila ng kaibigan ko na sa Singapore na rin naka base, ang liit talaga ng mundo. Matapos magload ng Gatorade at saglit na kwentuhan ay bumalik na ako sa pagtakbo. Mainit at walang hangin, sapat na ito para pabagalin ako ng husto. Takbo pag walang lilim at lakad ng sanadali pag may lilim at malamig, buhos ng tubig sa katawan para lumamig ang pakiramdam. Dito ko na rin nakasalubong ang mga solo runners na tumatakbo para sa kanilang pangalawang loop grabe ang lakas nila hindi mo makikitaan ng pagod sa kabila ng init.
Bago ko marating ang aid station isang grupo ng mga support ang naghihintay para sa kanilang mga kaibagan na tumatakbo rin ang nasilayan ako at isang kamera ang naka tutok sa mga dumadaan. Sinigawan ako nila ako SMILE, ngiti naman ako pagtapat ko sa lamesa nila ay inalok nila ako ng pagkain at tubig na tinangihan ko dahil alam ko na nandun rin ang support namin na si Iris. Naglalakad na lang ako noon ng makita ako ni Iris, sinalubong ako at inalalayan patungo sa lugar kung nasaan ang mga supplies namin. Saging, itlog ang nilantakan ko noon habang minamasahe ni Iris ang hita at binti ko. Naalala ko noong tumakbo ako sa Botak 100 na kung saan ay minasahe rin ako ng ate niya na si Marga sa pagkakataon na iyon ay siya naman. Gumaan ang pakiramdam ko noon at matapos ang ilang minuto at nakaramdam na ako ng lakas muli para tumakbo.
15kms na lang ay matatapos ko na ang unang karera ko sa ibayong dagat. Isang babae ang naging target ko, maganda ang katawan at maganda rin ang mukha. Hindi dahil sa maganda siya, ito ay dahil sa nachallenge ako sa kanya. Hindi mo aakaling tatakbo siya ng 50kms na trail run sa ichura niya hindi ako papayag na mauna siya sa aking sa katapusan guhit. Malakas pa siya, hindi ako nagpapaiwan sa kanya at kung maiwan man ako ay siguradong tanaw ko pang ang LIKOD niya. May mga oras na nagpapahinga siya dito ako tumatakbo ng mabilis para maiwan ko siya ngunit hindi ko pa rin siya maiwan, maglalakad lang ako ng saglit ay makikita ko na siya agad na nilalampasan ako. Hangang sa marating namin ang support crew niya, huminto siya dito at habang dumadaan ako sa tapat nila ay inalok rin nila ako ng tubig at pagkain na tinangihan ko na rin. Doon ko na siya huling nakita. Mababait sila hindi sila namimili kung sino man ang tutulungang kahit ibang lahi ka pa ay tutulungan ka nila.
Sa huling parte ng karera ay nakaksabay ko ang pangilaningilang TNF50 duo runners, ang iba ay naglalakad at ngkikipagkwentuhan sa kanilang kateam ang iba naman ay nakaupo sa tabi at nagpapahinga may mga animong bata lang na naglalaro sa kalsada na akala mo eh hindi kasali sa karera pero madalas na akong magisa sa trail at para maaliw ako ay kumakanta na lang ako (‘I wanna love you, and treat you right’) dito ko na rin naramdaman na pupulikatin ako. Tuwing ako ay tumatakbo ay nagbabanta ang binti ko ng pulikat, napiltan ako lakarin na lang ang huling 5km ng karera at nanggigil ako sa sarili ko dahil sa hindi matulungan ang sarili ko. Tuwing may lalampas sa akin gusto kong habulin pero dahil sa pupulikatin ako ay ninais ko na lang maglakad. KM 46 ng matangap ang mensahe ni Doc Eric na nagaabang na sa Mc Ritchie para salubungin kami, tinatanong niya kung san banda na ako naroroon. KM 47 naubos na ang baterya ng Garmin gusto ko malaman kung gaano pa kahaba ang tatakbuhin/lalakarin ko. Naiinip na ako hangang sa may nakita sa hindi kalayuan na isang matangkad na lalake na pasalubong sa akin, nang makita ko ng malapitan ay si Doc Eric na pala. Sinalubong na niya ako, huling dalawang kilometro na lang at sinasabihan niya ako na malapit na ang katapusan guhit at dahil dito ang namotivate ako para tumakbo pero dahil sa pupulikatin ako ay muling naglakad na lang ulit ako (makulit kasi). Sa kanan ayi sang golf course sa kaliwa ay isang lawa gusto ko sana lumublob pero baka malalim eh, matatanaw mo ang ibang mga runnner na nasa unahan mo at isa isa ko silang hinabol pero alalay pa rin dahil sa pulikat.
Huling 500 metro ng karera ay pinilit kong tumakbo pero sinabihan ko si Doc Eric na hindi na kagaya nag Botak 100 mahirap maospital sa Singapore. Mabagal at parang pilantod ako na tumatakbo noon kasabay ang Ultra Pacer na si Doc Eric. Habang papalapit ng palapit sa katapusan guhit ay dumadami na ang tao na nagchicheer sa akin, may isang grupo ng mga Pilipino ang sumisigaw na ‘Go Pinoy’ at pumapalakpak pa sila natuwa ako at bahagyang binilisan ko ang pace at hindi naglaon ay natanaw ko na arko sa wakas.
Isang karangalan para sa akin na makatapos ng TNF 100 at ang tagumpay na ito ay hindi namin makakamtan kung hindi dahil sa mga tumulong sa amin Iris, Doc Eric. Muli isang pasasalamat ang handog namin ni Ronald.